Talunan lahat, pati tricy drivers, sa pagtaas ng pamasahe?
PHOTO SOURCE: https://assets.rappler.com/612F469A6EA84F6BAE882D2B94A4B421/img/B7C95B169B504D3390A3E269D8379734/tricyle-parade-cauayan-isabela.jpg
Dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, naghain ng petisyon ang mga drivers at operators ng tricycle sa Cauayan City, Isabela para itaas ng 2 pesos ang pamasahe. Kasalukuyan, 12 pesos na ang pamasahe sa lungsod.
Kung aaprubahan ng Local Government Unit (LGU) of Cauayan City ang petisyon na ito, magiging 14 pesos na ang pamasahe.
Totoo naman na tumataas ang presyo ng mga bilihin, lalung-lalo na ng mga produktong petrolyo, pero kailangan nating tanungin ang ating mga sarili--nakabubuti ba talaga para sa lahat ang pagtaas ng pamasahe sa tuwing magkakaroon ng pagtaas ng presyo?
Sa ngayon, ang pinakamababang pasahod (minimum wage) sa Rehiyon Dos ay 300 pesos. May mga ibang kumpanya na sinusunod ang bali-balitang 340 pesos. Anupaman ang totoong minimum wage, hindi maitatanggi na napakalaking kagat ng pamasahe sa buhay ng isang empleyado.
Kung ipatutupad ang dagdag-pasaheng ito, 28 pesos ang dapat italaga ng isang manggagawa sa araw-araw niyang pagpunta't parito sa lugar ng trabaho. Halos 10% ito ng kanilang kinikita sa isang araw.
Hindi sana magiging masakit ito kung nasusunod ang nakatalagang pamasahe. Kaya nga lang, ilang beses nang naireklamo ang mga tricycle drivers sa Cauayan dahil sa kawalan nila ng disiplina patungkol sa tamang singil.
Maliban dito, mapapaisip din ang mga mananakay na kumuha na lang ng sarili nilang motor para makatipid at makaiwas sa abala. Sa Isabela, may mga motorsiklong maaaring makuha sa napakababang down payment na 2,000 pesos at monthly payment na 1,000 pesos.
Kung hahatiin ang 1,000 pesos sa 30 na araw, nasa 33 pesos ang patak. Halos kasinlaki ng pamasahe ng isang tao araw-araw. Dahil dito, talagang dumarami ang mga may sariling motor sa lungsod.
Dahil sa pagbaba ng dami ng pasahero, unti-unting nararamdaman ng mga tricycle drivers na may problema. Ang hindi maganda ay hindi nila nakikita na ang mataas na pamasahe at pangit na serbisyo ang dahilan. Isinisisi nila sa taas ng bilihin at ng produktong petrolyo kahit na hindi talaga ito ang problema.
Ang problema ay ang kawalan ng disiplina sa tamang singil at sa pakikitungo sa mga mananakay.
Kung maaayos ang singi; at walang reklamo ang mga mamamayan, hindi nila maiisip na kumuha ng sariling motorsiklo. Magiging masagana ang pasada. Malaki ang kita kahit walang dagdag-singil.
Kung hindi maayos ang singil at maraming reklamo ang mga mamamayan, lagi nila isasaisip ang pagbili ng sariling motorsiklo. Magiging mababa ang daloy ng pasahero. Liliit ang kita kahit na may dagdag-singil.
Cauayan, officially the City of Cauayan, or simply Cauayan City is a 3rd class city in the province of Isabela, Philippines. According to the 2015 census, it has a population of 129,523 people. https://en.wikipedia.org/wiki/Cauayan,_Isabela
Comments
Post a Comment