Bilang mananakay, #NotoFareIncrease by Christian Gonzales


Christian Gonzales is a CauayeƱo. His Facebook post is reproduced below in full. https://www.facebook.com/christianfelipegonzales

Bilang mananakay o commuter paminsan minsan, labis akong tumututol sa Resolusyon ng FESADECO (FETODA Savings Development Cooperative) na humihiling na itaas ang regular na presyo ng pamasahe sa Cauayan City, Isabela mula labindalawang piso (P 12.00) hanggang labingapat na piso (P 14.00). Malamang mas tutol dito ang mga regular na mananakay na umaasa lamang sa mga namamasada upang makarating sa kanilang mga paroroonan.
Ang kahilingang ito ay nakaangkla sa dalawang kadahilanan: una, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina o produktong petrolyo at ikalawa, ang pagtaas ng presyo ng mga spare parts.

Labis akong nababahala sapagkat mabigat itong pasanin para sa mga kapwa ko mananakay 'di lamang ang mga taga Cauayan kundi maging ang mga taga ibang bayan na madalas ay naglalabas-masok sa ating siyudad.

Kung ating aanalisahin, hindi naman talaga ang pagtaas ng pasahe ang sagot sa problema ng FESADECO. Ang mas naaayon na kasagutan ay ang pagsilip sa presyo ng produktong petrolyo dito sa ating siyudad. Bakit nga ba kompara sa ibang bayan, masyadong mataas ang produktong petrolyo dito? Sa Alicia, Isabela halimbawa, ang halaga ng gasolina ay mas mababa ng higit anim na piso (P 6.00) kompara dito sa atin. Ano ba ang pagkakaiba ng gasolina sa Alicia at sa Cauayan City? Mas mababa din ng 'di hamak ang mga produktong petrolyo ng Echague, San Isidro, Cabatuan, Luna, San Mateo, Santiago City, Ramon, Aurora, San Manuel, Roxas, Ilagan City at iba pang mga bayan. Sa suma total, kung mapababa lamang ang presyo ng gasolina sa ating siyudad at 'di na kakailanganin magtaas ng presyo ang pamasahe bagkus maari pang bumaba.
Tungkol naman sa pagtaas ng presyo ng spare parts, ito talaga ay katotohanang parte ng Cost of Maintenance ng mga tsuper. Ngunit, 'di naman makatarungan na ipasa itoNg Cost of Maintenance sa mga commuter sapagkat 'di naman araw araw na nagpapalit ng spare parts ang mga drayber. Kung sakali mang madalas masira ang kanyang traysikel ay problema niya na ito at kailangang solusyonan sa pamamagitan ng pagpalit ng kanyang yunit at 'di ng pagtataas ng pasahe.

Hindi ang pagtataas ng pasahe ang solusyon sa problema ng FESADECO. Hindi makatarungang ipasa sa mga commuter ang panibagong pabigat.

Hindi rin naman masasabi ng mga drayber na sila ay nalulugi dahil kung ganon man, 'di na sana dadami ang pumapasok sa negosyong pagpapasada. Kung masyado na silang madami at mas mababa na ang ratio nila sa mga mananakay ay 'di pagtataas ng pasahe ang solusyon. Isa itong indikasyon ng mahigpit na MARKET COMPETITION. Hindi OBLIGASYON ng gobyerno ang pagbibigay kita sa mga drayber. Isa itong RISK ng pagpasok sa mundo ng pagapasada o negosyo.

Dagdag pa rito, marami ng taga ibang bayan tulad ng Alicia, Reina Mercedes, Naguilian at iba pa ang mayroon at nabibigyan ng prangkisa na mamasada dito sa ating syudad. Mawalang galang na po pero kailangan na rin naman po sigurong maregulasyunan ang ganitong sistema. Hindi naman po siguro masama na ang taga Cauayan lamang sana ang makinabang sa mga pamasahe ng pasaherong taga Cauayan at naglalabas-masok dito.

Cauayan City ang isa sa mga pinakamahal na pasahe sa ating rehiyon. 'Wag naman na sana po itong taasan pa. 'Wag na sanang dadagan ang bigat na pasahin ng mga mananakay.

Mapanindigan po sana natin na ang Cauayan ang Ideal City of the North. SOURCE: https://www.facebook.com/christianfelipegonzales/posts/10210412842271523

Comments